Dating Maninisid Ng Barya Sa Pier, Master’s Degree Holder At Teacher Na Ngayon

Sa kabila ng mararahas na alon ng problema sa buhay, nakakahanap pa rin tayo ng dahilan upang bumangon at magpatuloy sa paglaban. Maaaring mga mahal natin sa buhay ang ating inspirasyon, ang ating sarili at kasalukuyang sitwasyon o hindi kaya’y naiimpluwensyahan na pagbutihin din ang ginagawa dahil sa naririnig o nalalaman nating mga kuwento ng ibang tao na tunay nga namang kahanga-hanga at nagbibigay ng inspirasyon.
Sa likod ng bawat tagumpay ay ang kuwento kung paano nga ba ito nakamit katulad na lamang ng isang half-Badjao half-Tagalog na guro na si Arlene Eje Alex na viral ngayon sa social media dahil sa kanyang interesting na placard sa ginawang pictorial para graduation kung saan nakasulat ang linyang, “Ang dating maninisid ng barya sa PIER noon, MASTER’S DEGREE GRADUATE na ngayon”.
Bago ang achievement na ito ni Arlene, ibinahagi niya na hindi naging madali para sa kanya ang pinagdaanan lalo na’t sa edad na 8 ay sumabak na siya sa paninisid sa pier upang kumita ng pera at masuportahan ang sarili sa pag-aaral dahil nagkasakit umano ng panahon na ‘yun ang kanyang ama na pumanaw nang siya’y tumungtong sa edad na 12.
Maaga man na namulat sa kahirapan ng buhay, hindi naman ito kailanman naging hadlang para kay Arlene na makamit ang kanyang pangarap at ito ay ang makapagtapos ng pag-aaral. At dahil hindi siya sumuko sa kabila ng mga pagsubok, isa na siyang ganap na teacher ngayon at kumakailan lamang nang na-achieve ang kanyang Master’s Degree.
Ayon kay Arlene, hindi umano niya pinagsisihan ang paninisid noon sa pier dahil marami umano siyang natutunan sa buhay at naging inspirasyon din niya ito upang mas magpursige pa sa kanyang pag-aaral.
“Hindi ko naman po pinagsisihan kasi natuto po ako sa buhay na hindi ganoon kadali ang kumayod sa araw-araw sa murang kaisipan. Kailangan mong mabuhay pero kailangan mong paghirapan,” sabi ni Arlene.
Dahil sa kanyang nakakabilib na kuwento, marami ang na-inspire kay Arlene lalo na’t marami rin ang nagbabanat ng buto para lamang masuportahan ang kanilang pag-aaral at upang maabot ang kanilang pangarap sa buhay.
“Piliin mong magpatuloy kahit pakiramdam mo ay hindi mo kaya, makikita mo ang tamis ng paghihirap sa tamang kapanahunan,” advice ni Arlene sa mga taong nasa mahirap na sitwasyon ngayon na minsan na rin niyang pinagdaanan.
Maliban sa paggabay sa mga kabataan tungo sa mabuting landas bilang isang responsibilidad ng pagiging guro, nais din ni Arlene na magbigay ng pag-asa sa karamihan na makakamtan din ang liwanag at kasaganahan.